Nagsilbi bilang guest of honor at speaker si Mayor Vilma Balle-Caluag sa ginanap na 10th Commencement Exercises ng City College of San Fernando Pampanga (CCSFP) ngayong Biyernes, August 30, 2024, sa Mini Convention Center ng Heroes Hall.
Sa ika-isang dekadang commencement exercises, 152 na Aslag ning Balen ang opisyal na nakapagtapos at ipinakita ang tuwa at pasasalamat para sa kanilang edukasyong nakuha bilang iskolar ng Syudad ng San Fernando.
Pasasalamat ang ipinaabot ni Caluag sa mga magulang at guardians, guro, at personnel ng CCSFP na walang pagod na nagtatrabaho upang magbigay ng dekalidad na edukasyon para sa kabataan at mga susunod na herenasyon ng Fernandinos.
Kinilala rin ng alkalde ang higit sa limampung batch 2024 “first-generation graduates” o mga unang nakapagtapos ng kolehiyo sa kanilang pamilya, kasabay ng pagkilala rin sa mga working students na ipinakita ang sipag at pagpupursigi na pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho.
Nagpadala rin ng mensahe si Dr. J. Prospero E. De Vera III, ang Chairman ng Commission on Higher Education (CHED) na kinilala naman ang galing at progresong nagawa ng City College bunga ng magandang kooperasyon sa pagitan ng college administration, lokal na pamahalaan, at CHED.
Inihayag rin ni CCSFP College Administrator and President Atty. Gloria J. Victoria-Bañas ang patuloy na suporta ng administrasyong Caluag na nagsisilbi ring inspirasyon at susi para sa pag-aaral ng mga estudyante at pagtatrabaho ng mga miyembro ng CCSFP.
Dumalo at nagsalita rin sa graduation rites si City Councilor Brenz Gonzales, ang Chairperson ng Sangguniang Panlungsod Committee on Education. | 𝘾𝙄𝙊-𝙀𝙅𝙋, 𝙋𝘾𝙈, 𝙍𝙈𝙈